Ang Banal na Kasulatan ay malinaw na tumukoy nang mahigit na 300 beses tungkol sa mga banal na anghel ...

about image

Ang mga Anghel sa Banal na Kasulatan

Ang Banal na Kasulatan ay malinaw na tumukoy nang mahigit na 300 beses tungkol sa mga banal na anghel. Mula sa simula hanggang sa katapusan ng kasaysayan ng kaligtasan, mula sa Aklat ng Genesis (cf. ang Kerubim sa pasukan ng paraiso) hanggang sa Aklat ng Pahayag ni Juan, maaari ding tawaging “Aklat ng mga Anghel” ng Banal na Kasulatan, ang mga banal na Anghel ay nagpapakita bilang tagapagbalita ng DIYOS upang sa gayo’y aktibong makiisa sa gawain ng kaligtasan.

 

Ang Pag-iral ng at Paglikha sa mga Anghel

Ipinahihiwatig sa Banal na Kasulatan ang paglikha sa mga anghel sa mga salitang “Nang simulang likhain ng DIYOS ang lupa at langit (Gn. 1:1) iyon ay, nilikha ng DIYOS hindi lamang ang nakikitang mundo (“lupa) kundi pati rin ang di nakikita, ang mundo ng mga anghel (“langit”).

Ang mga anghel ang unang nilikha ng DIYOS, ang nakikitang mundo ay nilikha din. “Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga. At ang lahat ng mga anak ng DIYOS ay naghihiyawan sa kagalakan!” (Job 38:7) Sila ay nilikha kay KRISTO, para kay KRISTO at kay KRISTO. Him (cf. Co 1:15).

 

Pangalan ng mga Anghel

Madalas na tinatawag ng Banal na Kasulatan ang mga espiritwal na mga nilalang na nilikha ng DIYOS na “Anghel”– mula sa wikang Griyego “Angelos”, sa Latin Angelus – na nangangahulugang “mensahero.” Ang kaisipan na ito ay tumutugma sa orihinal na terminolohiyang Hebreo "malak YAHWEH": mensahero ng DIYOS. Inilalarawan ng pangalang ito ang tungkulin ng mga Anghel bilang mga mensahero ng DIYOS upang magsalita at kumilos sa ngalan Niya.

Sa ilang mga bahagi ng Banal na Kasulutan ay ginagamit din ang pangalang: “Elohim– mga diyos.” Ang pangalawang pangalan na ito ay madalas na pangalan ng DIYOS para sa sarili Niya, ngunit sa malawak na pag-unawa ito ay inilalaan din sa mga Anghel, dahil sa sila ay kawangis ng DIYOS at kabilang sa kaharian ng DIYOS (2 Cro 18:18). Dahil dito, ang pangalang "Elohim" ay nagpapahiwatig nang di- malirip na kadakilaan at pagiging malapit sa DIYOS ng mga Banal na Anghel, dahil dinamtan sila ng DIYOS ng sarili Niyang pangalan.

 

Ang Kalikasan ng mga Anghel

Ang tunay na kalikasan ng Anghel ay mas maliwag na ipinahahayag ng pangatlong pangalan: "espiritu." Sa maraming sipi sa Banal na Kasulatan, ang mga Anghel ay tinatawag na "mga espiritu." "Sila’y mga espiritung naglilingkod" (Heb 1,14), mga espiritung nasa harap ng trono ng DIYOS (cf. Pah 1:4). Kahit madalas nagpapakita sa tao hindi ito nangangahulugang napapawi ang kanilang pagiging perpektong espiritu. Ang mga Anghel ay nagpapakita lamang sa anyong tao, katulad ng ipinaliwanag ni San Rafael, “At huwag ninyo akong intindihin, hindi ninyo dapat kilalaning utang na loob ito sa akin. Sinusunod ko lamang ang kalooban ng DIYOS. ...Kung nakikita ninyo akong kumakain at umiinom, ang nakikita ninyo'y pangitain lamang.” (Tob 12:19).

Ang iba pang mga pangalan para sa mga Anghel sa Banal na Kasulatan ay “Mga anak ng DIYOS” (Job 1:6, 38:7), “Mga banal” (Zac 14:5) or “mga banal sa kaliwanagan” (Col 1:12), "mga lingkod ng DIYOS" (Job 4:18). Tinatawag din silang “mga Hukbo ng DIYOS” (Jos 5:14), “mga Hukbo ng Langit” (1 Ha 22:19), at “mga Banal na Tagatanod" (Dan 4:10).

 

Ang Bilang, Herarkiya at Pangalan ng mga Anghel

Binibigyang-diin ng Banal na Kasulatan na ang bilang ng mga Anghel ay napakarami. “Libu-libong (mga Anghel) ang naglilingkod sa Kanya, at daan-daang libo ang nakatayo sa harap Niya: (Dan 7:10, cf. Pah 5:11). Ipinakikita din nito na mayroong herarkiya sa mga Anghel. Nagsasalita si San Pablo sa Rom 8:38 tungkol sa mga anghel, prinsipal at kapangyarihan, sa Col 1:16 tungkol sa mga trono, kapangyarihan, prinsipal at kalakasan, at sa 1 Tes 4:16 tungkol sa ng mga Arkanghel. Sa Gen 3:24 at Ex 25:18 ang kerubim ay nabanggit, at sa Is 6:2 ang serapim. Ito ang basehan ang tradisyunal na turo ukol sa siyam na koro ng mga Anghel.

Sa langit, sa paligid ng trono ng Makapangyarihan, ang tatlong pinakamataas na koro ng mga anghel ay masayang sumasamba: ang mga Serapim, mga anghel ng pag-ibig; ang mga Kerubim, mga anghel ng kapangyarihan at karunungan ng salita (ng DIYOS); at ang mga Trono.

Makikita natin na ang tatlong sumunod na mga koro ay laganap sa buong sangnilikha: ang mga Pamahalaan, na sa pag-ibig ay inihahatid ang mga kaloob ng DIYOS; ang mga Kapangyarihan, na nagpapairal ng mga kautusan ng DIYOS at ng kaayusan ng sangkalikasan sa sangnilikha; at ang Prinsipal, mga tagapangalaga maging ng sangnilikha, maging ng mga kontinente o bansa, bayan o komunidad.

Ang tatlong korong pinakamalapit sa tao ay naglilingkod para sa kaligtasan sa mundo: ang mga Kalakasan, “na nagtatamo para sa tao ng mga birtud na teologal: pananampalataya, pag-asa at pag-ibig”; (Johannes Tauler, Sermon for the Feast of the Holy Angels) ang mga Arkanghel, mga dakilang tagapaglingkod at mandirigma pati na rin ang milyong mga Anghel. At dito nabibilang ang mg Anghel na Tagatanod. (Mula sa “Our Guardian Angel” an Introduction to the Devotion to the Guardian Angel)

Binabanggit din ng Banal na Kasulatan ang pangalan ng tatlong Anghel, Miguel na ibig sabihin ay (“Sino ang katulad ng DIYOS!”) Gabriel (“Lakas ng DIYOS”) at Rafael (“Gamot ng DIYOS”).

 

Ang Tungkulin ng mga Anghel

Ang mga Anghel ay may tungkulin upang dakilain at paglingkuran ang DIYOS. Palagi nilang nakikita ang mukha ng AMA (cf. Mt 18:10). Nang buo nilang puso sinasamba nila ang DIYOS (cf. Isa 6:3 “Banal, banal, banal ang PANGINOON ng mga hukbo!” at pinupuri Siya (cf. Awit 148:1-2). Kasabay nito ay naglilingkod sila sa DIYOS, “sila na mga nakikinig at sa Kaniya ay sumusunod.” (Awit 103:20).

Ayon sa kalooban ng DIYOS, ang mga Anghel na nakikibahagi sa buhay ng Santatlong DIYOS sa liwanag ng walang-hanggang kaluwalhatian ay tinawag ding makiisa sa plano ng kaligtasan ng DIYOS para sa ikabubuti ng mga tao. “Sila’y mga espiritung naglilingkod sa DIYOS at mga isinugo upang tumulong sa mga maliligtas.” (Heb 1:14). Mga tagapamagitan ng DIYOS at tao, na ipinahayag sa larawan na “hagdan na abot sa langit kung saan nagmamanhik-manaog ang mga Anghel ng DIYOS (Gen 28:12). Tungkol sa paglilingkod ng mga Anghel sa tao, ito ang sinasabi ng Banal na Kasulatan:

1. Pinagsasanggalang nila ang tao sa lahat ng mga panganib ng katawan at kaluluwa “Sa Kanyang mga Anghel, ika’y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.” (Awit 91:11). Higit sa lahat, hahadlangan nila ang mga masasamang espiritu, upang hindi nila gawan nang masama ang tao. “Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan. Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis. [=ang mga hayop na ito ay simbolo ng demonyo.]” (Awit 91: 12-13).

2. Inihahatid nila sa tao ang salita at kalooban ng DIYOS, kaya tao ay dapat bigyang-pansin tinig ng Anghel at sundin siya (cf. Ex 23:20-23); tingnan din ang Pagbati ng Anghel kay MARIA (cf. Lk 1:26-38) at kay Jose (cf. Mt 1:20; 2:13.19), sa mga babae sa libingan (cf. Mt 28:5) at iba pa.

3. Ipinagdarasal nila tayo, namamagitan para sa atin (cf. Job 5:1; Zec 1:12) at dinadala ang ating mga panalangin sa harap ng DIYOS. Sinabi ni San Rafael, “Ngayon ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa PANGINOON, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa DIYOS.” (Tob 12:12).

 

Ang Kaganapan ng Anghel at Tao kay Kristo

Ipinahahayag ng Banal na Kasulatan bilang dakilang plano ng DIYOS, ang Kaniyang walang- hanggang kautusan ukol sa Anghel at tao. Ibinigay ni HESUS sa Kanyang mga disipulo ang ganitong pangako: “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng DIYOS ay manhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.” (Jn 1:51).

Ang “pagpanhik at pagpanaog sa ANAK ng tao” ay nangangahulugan na si KRISTO ang sentro ng mga Anghel at pinagsisilbihan nila Siya. Sa kabilang banda naman ay nangangahulugan din ito na ang mga Anghel ay umaakyat at bumababa din sa bawat tao kung saan si KRISTO ay naroon, o sa iba pang salita, na pinaglilingkuran nila si KRISTO sa tao upang gabayan siya sa landas ng kaligtasan. Sa pamamagitan nito, ang relasyon sa isa’t isa sa pagitan ng anghel at tao na nasugatan pagkatapos ng Pagkahulog ng tao sa kasalanan ay nahilom at ginawang perpekto kay at sa pamamagitan ni KRISTO. (cf. Col 1:20). Ang DIYOS na lumikha ng langit at lupa, anghel at tao at nagtakda sa kanila sa bawat isa, ay pinag-iisa sila ngayon kay KRISTO katulad ng Kanyang pinagpasyahan mula pa sa walang hanggan at isinasagawa ito sa kaganapan ng panahon, upang “pag-isahin kay KRISTO ang lahat ng nasa langit at nasa lupa” (Ef 1:10).

 

Ang Anghel sa Katekismo ng Iglesya Katolika

Sa Katekismo ng Iglesya Katolika makikita natin ang buod ng mga turo ng Simbahan tungkol sa mundo ng mga anghel (Kat.328–336, 350–352).

Itinuturo ng Katekismo unang- una:

Ang pag-iral ng mga nilikhang espritwal na walang katawan, na laging tinatawag ng Banal na Kasulatan na mga Anghel ay isang katotohanan ng pananampalataya (cf KIK. 328).

Nang buo nilang pag-iral “ang mga Anghel ay mga tagapaglingkod at mensahero ng DIYOS. Sapagkat ‘walang tigil silang nakatingin sa mukha ng AMANG nasa langit’ (Mt. 18: 10), sila ang mga dakilang tagapaggawa ng Kanyang mga kautusan, handang sumunod sa tinig ng Kanyang salita” (Awit 103: 20) (KIK. 329) .

“Yayamang sila ang mga kinapal na lubhang espiritwal, ang mga Anghel ay mayroong isip at kalooban;” sila ay “mga kinapal na personal at walang kamatayan, sa kabutihan at kabanalan, higit sa tanang kinapal na nakikita” (Kat. 330).

 

Si HESUKRISTO ay hindi lamang sentro ng tao kundi pati rin ng mga Anghel:

Si KRISTO ay sentro ng daigdig ng mga Anghel. Ang mga Anghel ay sa Kanya… Lalong nagiging Kanya, sapagkat sila’y ginawang mga tagahatid ng Kanyang balak tungkol sa kaligtasan” (Kat. 331).

Ang mga Anghel ay kumikilos mula sa simula hanggang sa katapusan ng kasaysayan ng kaligtasan:

“Mula ng lalangin ang sanlibutan…at sa nakaraang kasaysayan ng kaligtasan, makikita natin silang naghahatid sa malayo o sa malapit ng kaligtasang gumaganap ng mga balak ng DIYOS” (Kat. 332).

Dahil dito, ang paglilingkod nilang ito ay nakatuon KRISTO mismo ang Salitang naging Tao at sa Kanyang Katawan sa mundo, ang Simbahan:

“Mula sa Pagkakatawang-tao hanggang sa Pag-akyat, ang buhay ni KRISTO ay napapaligiran ng pagsamba at paglilingkod ng mga Anghel… Ipinagsanggalang ang batang si HESUS noong Siya’y isinilang, naglingkod sila sa Kanya sa ilang, pinatatag nila Siya sa Kanyang paghihirap sa Hardin, inililigtas sa kamay ng mga kaaway tulad ng nakaraan sa Israel.198 Ang mga Anghel din ang nagbalita tungkol sa Pagkakatawang-tao at Muling Pagkabuhay ni KRISTO. (Lk 2:10) Sa Ikalawang Pagdating ni KRISTO, na ibinalita ng mga Anghel sila rin ang maglilingkod sa paghuhukom ng PANGINOON” (Kat. 333.)

“Hanggang sa pagdating ni KRISTO, ang buong buhay ng Simbahan ay nakikinabang sa tulong ng mahiwaga at makapangyarihang mga Anghel.” (Kat. 334)

Ang Simbahan ay nakababatid sa mga katotohanang ito at kumikilos nang naaayon:

“Sa kanyang liturhiya, ang Simbahan ay umaanib sa mga Anghel upang sambahin ang DIYOS na santatlong banal. Hinihingi niya ang kanilang tulong at ipinagdiriwang ang pista ng ilang mga anghel - San Miguel, San Gabriel, San Rafael at mga anghel na tagatanod.” (Kat. 335)