Ang Anghel na Tagatanod, mula sa ng awa ng DIYOS, ay ipinadala bilang tulong sa tao, at sa ganitong paraan ay nakikipagtulungan siya sa gawang pagtubos ni HESUKRISTO. Gayunpaman, maraming tao ang hindi nakauunawa nito nang tama at maraming mga pagtutol. Dahil dito, lilinawin natin ang ilan sa mga pagtutol na ito.
“Ang Anghel ay nasa tabi natin bilang isang dakila ng DIYOS at hindi niya patatawarin ang anuman sa ating mga kasalanan; haharap siya balang araw bilang ating taga-usig dahil may kaalaman siya tungkol sa lahat ng ating mga ginawa.”
Ang mga Banal na Anghel ay tunay nga talagang mga makapangyarihan ng DIYOS. Ang kapangyarihan nila ay mas higit pa kaysa sa anumang makamundong kapangyarihan, dahil ang lakas ng DIYOS ang kumikilos sa pamamagitan nila. Bukod pa dito, ang matapat na Anghel ay nakikipaglaban para sa DIYOS lamang mula pa noon. Dahil dito, sa kanyang pinakakalikasan may ugali siyang ipaghiganti nang buo niyang lakas ang bawat pagkakasala laban sa DIYOS.
Subalit mula sa Pagkakatawang-Tao ng ating Panginoong HESUKRISTO, nagtagumpay ang pag-ibig hindi lang sa lupa ngunit mas lalo na sa langit. Kung ang AMA sa langit ay may awa sa atin dahil sa pagmamahal sa Kanyang Anak, hindi rin ba dapat magkaroon ng awa ang mga Anghel? Sapagkat sinasabi ng Banal na Kasulatan, “May kagalakan sa mga Anghel ng DIYOS dahil sa isang makasalanang nagsisisi.” (Lukas 15:10). Hindi naman ibig sabihin nito na ang mga kasalanan natin ay hindi nararamdaman ng mga Anghel; pero sa pamamagitan ng ating Panginoong HESUKRISTO ang mga Anghel ay mas lalong napapalapit sa atin bilang mga mga kasamang-tagapaglingkod (Pahayag 22: 9), at sa pamamagitan at kasama ng kanilang Reynang si MARIA nagiging mga dakilang tagapamagitan natin sila.
Ang mga Anghel na Tagatanod ay malapit sa atin. Ipinadala ng DIYOS ang Anghel katulad ng isang matulunging doktor at kapatid upang manatiling kasama ng tao mula sa kanyang una hanggang sa huling hininga - bilang tagatanod at hindi tagapaghiganti. Dahil dito ang Anghel na Tagatanod ay magiging tagapamagitan natin balang araw at hindi magiging taga-usig natin sa Paghuhukom.
“Ang Anghel ay lubhang katulad ng iba pang mga nilikha sa kanyang malawak na uri at may kaunti lamang na pagkakapareho sa atin. Siyempre, sinasamahan niya tayo, habang siya ay nagdarasal; pero siguradong magiging masaya siya, kung tapos na ang paglilingkod na ito para sa kanya.”
Upang makita nang mas mabuti ang kaibahan ng personalidad ng Anghel, kailangang magsimula sa mababang nilikha. Walang kristal ang kagaya ng iba. Walang puno ang kapareho ng iba. Tulad nito, walang hayop ang eksaktong magkaparehas. Sa buong mundo walang dalawang tao ang magkatulad. Ang bawat isang tao ay isang personalidad sa kanyang sarili, at kung gaano katindi ang kanyang kakayahan, gayun din kapansin-pansin ang kanyang personalidad; mas lalo itong namumukod-tangi sa kapaligiran nito. Dapat bang ang mga Anghel, bilang mga unang nilikha ng DIYOS at pinakamataas na mga nilikhang espiritwal, ay maging mga nilikhang magkakatulad? Hindi ba ang bawat Anghel, ay isang namumukod-tanging personalidad? Oo, kung gaano kataas ang isang Anghel sa makalangit na herarkiya, gayundin kalalim ang kanyang pagbaba upang pagsilbihan ang tao at mas lalo niyang mararanasan sa kanyang sarili ang pagpapakababa ng DIYOS sa pagkakatawang-tao at pagliligtas pati na ang tagong kadakilaan ni MARIA, ating Ina at tagapamagitan.
Dahil ngayon nararanasan niya sa kanyang paglilingkod bilang Anghel na Tagatanod, kung ano ang ibig sabihin ng kahirapan at paghihirap sa buhay ng tao, ng sakripisyo at ng pagbabayad-kasalanan, ng kababaang-loob, katahimikan at pagdurusa para sa kaligtasan ng tao.
Ang pagiging-Anghel-na-Tagatanod para sa bawat isang Anghel ay pagsunod kay KRISTO na isinasagawa niya nang buong sigasig, katapatan at nang walang kondisyon nang higit pa sa tao. At anong kagalakan sa mga Anghel ang bawat pagkakataon na may isang taong naligtas! Ngunit kung ang Anghel na Tagatanod, sa kabila ng lahat ng kanyang pagsisikap ay hindi nagtagumpay na iligtas ang kanyang tangkilik siguradong nagdaan na siya sa isang panahon ng “pagtitiis” at lalo pang itatalaga ngayon ang kanyang sarili para sa kaligtasan ng mga tao sa paraan ng pagtulong at pamamagitan alang-alang sa kanila.
“Totoo namang mamahalin ng Anghel ang tao habang siya ay munti pang bata at nangangailangan ng tulong. Ngunit habang ang tao ay tumatanda at nasa hustong gulang na, ang personal na kaugnayan sa pagitan ng tao at Anghel ay unti-unti nang nababawasan. Sinumang nasa hustong gulang na ay kaya nang mag-isa. Dahil dito, ang Anghel ay malapit lamang sa tao sa mga piling panahon ng kanyang buhay.”
Ang tulong ng Anghel ay itinakda sa tao mula sa simula hanggang sa katapusan ng kanyang buhay. Tiyak na mas natutulungan ng Anghel ang bata, dahil sa pamamagitan ng kawalang-sala nito, hindi niya nilalagyan ng balakid ang tulong ng Anghel. Sa kawalang-malay nito, ang bata, ika nga ay malinaw na lagusan ng paningin para sa Anghel, maaari niyang iharap ang bata sa Ama sa Langit at tumingala sa Ama sa pagtingin sa bata. – “Ang mga Anghel nila ay palaging nakatingin sa Mukha ng Aking Ama na nasa Langit” (Mt 18: 10).
Gayunman, kapag nagkakasala na ang bata, lalong hindi na makakikita ang Anghel sa pamamagitan niya, dahil pinadilim na ng kasalanan ang kanyang kaluluwa at ginawa itong hindi na mapaglagusan ng tingin.
Ang Anghel, samakatuwid ay pinangungunahan na ngayon ang tao, upang maaari nang tingalain ng tao ang DIYOS sa pamamagitan ng Anghel. Kung nais lamang ng tao na tumingala sa DIYOS, ang Anghel ay parang isang teleskopyo na sa pamamagitan nito ay maaaring kilalanin ng tao ang DIYOS nang mas malinaw at mas malapit.
Gayunman, kung gaano kayabang ang isang tao sa kanyang sarili, at iniisip na kaya niyang gawin ang lahat sa pamamagitan ng kanyang sariling lakas, hindi niya gaanong mararanasan ang tulong ng Anghel, at mas higit na ang masamang espiritu, ang dalubhasa sa kasinungalingan, ay lilinlangin siya upang sundan ang mga maling gawi. Hindi namimilit ang Anghel. Ngunit lagi siyang naroon para sa tao. Ang kakulangan ng pakikisama sa pagitan ng tao at Anghel ay hindi dahil sa katunayang ayaw ito ng Anghel, kundi dahil ayaw ito ng tao.
“Para sa isang tao mas madaling maging mabuti dahil siguradong mayroon siyang malakas na Anghel na Tagatanod. Para sa isa pang tao, na hindi nakikita ng sinuman ang pagbabago, ang Anghel na Tagatanod ay maaaring masyadong mahina upang tumulong.”
Ang katarungan ng DIYOS ay nakapaghanda na para dito: lahat ng mga Anghel na Tagatanod, anuman ang kinabibilangan nilang koro, ay tumanggap ng kapangyarihan ng Anghel mula sa ika-siyam na koro. Samakatuwid, walang sinuman ang may mas malakas na Anghel sa tabi niya kaysa sa iba. Bagamat totoo na ang impluwensya ng mga Anghel ay nagkakaiba-iba, hindi sa antas ng kapangyarihan ngunit sa uri nito at paraan.
Maaring ipalagay na ang bawat Anghel ay dinadala ang dakilang tungkuling ito mula pa noong una nang masidhi sa kanyang sarili na waring tumimo sa pag-iral (nagbigay ng tatak ang tungkuling ito sa kanyang pag-iral) ito nang lubos sa kanyang buong pag-iral. Dahil dito ang isang anghel ng pag-ibig ay magbibigay rin ng tatak ng pag-ibig sa kanyang loob paglilingkod bilang Anghel na Tagatanod at pasisiglahin din niya ang kanyang tangkilik sa pag-ibig sa DIYOS at sa kapwa. Ang isang anghel ng kapangyarihan ng salita ay bibigyang-liwanag ang kanyang tangkilik, upang siya rin, ay maaring maghatid nang mabuti, kapaki-pakinabang at mahalagang mga salita. Ang Anghel naman na naglilingkod sa harap ng Tabernakulo ay palaging aakayin ang kanyang tangkilik doon. Sapagkat sa Kanyang karunungan, ang pinakamagiliw na DIYOS ay itinakda na para sa bawat tao ang Anghel na Tagatanod na ang mismong katangian ay lubos na nababagay sa kanyang tangkilik at maaari siyang lubos na matulungan sa kanyang landas patungo sa DIYOS sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag at pagpapalakas.
“Ang isang bata siguro ay may ibang Anghel na Tagatanod kumpara sa isang matanda. Iiwan ding mag-isa ng Anghel na Tagtanod ang isang makasalanang ayaw magsisi o hihingi ng kaparusahan para sa kanya sa pamamagitan ng ibang anghel.”
Ang tungkulin ng Anghel na Tagatanod ay nakabatay sa pag-ibig na naglilingkod at hindi sa katarungang nagpaparusa. Ang tao ay palaging may isang parehong Anghel, may kakayahang iayon ang kanyang sarili sa kanyang mga pagpapayo at kanyang paggabay sa partikular na edad at estado sa buhay ng tao. Bawat Anghel na Tagatanod ay mahal ang kanyang tangkilik at hindi siya iniiwan; siya ang “gintong salapi” Ang Talinhaga ng Tatlong Alipin) para sa kaniya na ninanais niyang dalhing matagumpay sa kanyang PANGINOON at DIYOS. Sa pamamagitan ng kasalanan, pinaaalis ng tao ang Anghel sa lawak ng kanyang pagkilos; Ang anghel ay hindi na maaaring kumilos sa panloob na buhay ng tao, at mula doon ay nagmumula ang paniniwalang iiwan ng Anghel ang nagkasala. Gayon man, sinusundan ng Anghel ang nagkasala at naghihintay hanggang sa maaari na ulit siyang pumasok sa pamamagitan ng pagsisisi ng tao. Tunay, maaari din siyang magpataw ng parusa, subalit sa sitwasyong ito, ito ay para pukawin ang nagkasala at ibalik siya sa DIYOS, at dahil dito, ang parusa ay maaaring maging grasya.
“Ang debosyon sa mga Anghel na Tagatanod ay mayroong bungang-isip, tila isang kuwentong kutsero at pagiging baduy tungkol dito. Ang seryosong paglilingkod kay KRISTO ay nagdadala sa mas agarang paglapit sa DIYOS. ”
Ang debosyon sa mga Anghel ay hindi kailanman kapalit o pumigil sa taimtim na pagsamba sa DIYOS, kundi isa itong kasangkapan tungo sa mas malalim at malapit na pagsamba sa DIYOS sa pamamagitan ng mas higit na kaalaman tungkol sa DIYOS at pag-ibig sa Kanya, na maaaring makamtan ng tao sa pamamagitan ng tulong ng Anghel. Sinumang nag-aakala na ang pamimintuho sa mga Anghel ay isang bagay na pantasya o malakuwentong pambata ay nasa maling landas.
Sa nakaraang mga siglo ang masamang espiritu ay naghasik nitong mga damo ng pagiging “cute” ng mga Anghel sa gitna ng totong pamimintuho sa mga Anghel, at ang mga damong ito ay tumubo sa lahat ng dako upang sirain ang mabisang tulong ng mga Banal na Anghel. Sa pamamagitan ng mga gawaing sining, mga hubad na kerubin at mga imahen ng mga Anghel na nakatutuwang tingnan ay nakapasok sa mismong Simbahan, at ang mga tao ay nasanay na sa mga kuwentong-pambata nang “malambing at maliliit na mga Anghel.”
Subalit ang sinumang magbalik-tanaw sa panahon ng Lumang Tipan at sa panahon ni KRISTO sa mundo ay maaaring kilalanin kung gaano lubhang mahalaga ang katungkulan na pinanghahawakan ng mga Anghel dito. Ang Anghel na pumatay sa mga panganay ng Ehipto (Ex 12:29), ang Anghel na pumuksa sa 185,000 na tao (2 Hari 19:35), ang Anghel Gabriel, na naging mensahero sa Pagbabalita kay MARIA (Lk 1:26), ang Anghel sa Bundok ng mga Olibo (Lk 22:43) at sa umaga ng Muling-Pagkabuhay (Mt 28:2), ay hindi mga kahalintulad ng mga tauhan sa kuwentong pambata. Ang PANGINOON mismo ay madalas na tumukoy sa mga Anghel sa Kanyang mga pahayag at mga talinhaga, at darating Siya kasama ng Kanyang mga Anghel sa wakas ng panahon. Sila ay sasama sa tungkulin ng pagbubukod sa pagitan ng mabuti at masama at sa tungkulin ng paghuhukom (Mt 13:39-42, Lk 12:8-9). Dahil dito gusto Niya ring isama natin ang mga Anghel sa ating mga buhay at gawain.
Ang Anghel ay hindi kailanman haharangan ang paningin ng tao sa DIYOS, o hahadlangan ang pakikipag-ugnayan sa Kanya. Siya lamang na nagtitiwala sa kahalagahan at hindi-pagkakamali ng kanyang sarili sa halip na sumunod sa kanyang mabuting Anghel ay tumatangkilik sa mga panlilinlang ng masamang espiritu. Dahil sa kanyang espiritwal na kapalaluan, aagawan siya ng kaaway ng DIYOS pati na ng kababaang-loob, paggalang at sa huli, ng pagtalima at katapatan. Ang pagtanggi sa tulong ng Anghel ay katulad ng isang umaakyat sa bundok na pinagpipilitang, “Hindi ko kailangan ng lubid o mga sapatos-pambundok.” o isang manlalayag na nagsasabing, “Hindi ko kailangan ng isang kompas,” o ng isang mag-aaral na nagsasabing, “Hindi ko kailangan ng isang guro; matututo ako nang mag-isa.”
Kung nilikha ng DIYOS ang mga Anghel upang tulungan tayo, samakatuwid mas alam ng karunungan ng DIYOS kaysa sa atin kung ano ang ating kailangan. Huwag nating kalimutan na sa mundong ito hindi lamang DIYOS at kabutihan ang umiiral; ang kaaway ng DIYOS kasama ang milyon niyang hukbo ay mas lalo pang kumikilos upang linlangin at gawing madilim ang pag-iisip ng tao, at ilayo ito sa DIYOS. Hindi natin nakikita ang masamang espiritu. Pero nakikita siya ng Anghel. Maaari niya tayong balaan at palayasin ang masamang espiritu. Maaaring niyang ipakita ang direksyong “DIYOS” sa ating paningin at ibunyag ang kahulugan ng Salita ng DIYOS sa atin. Pasisiglahin niya ang ating debosyon at pag-ibig kay MARIA. Kung paanong nais ng DIYOS na tulungan ng isang tao ang kanyang kapwa o maging pagsubok siya para sa iba gayundin ang ating pagsubok sa pamamagitan ng manunukso (demonyo) ay nangyayari ayon sa kalooban Niya upang subukan ang ating katatagan. Pati na rin ang tulong sa pamamagitan ng matapat na Anghel ay Kanyang kalooban. Siguradong maaari nating tanggihan ang tulong ng Anghel subalit kung gayon ang ating landas patungo sa DIYOS sa gitna ng mga dilim at paghihirap sa panahong ito ay magiging lantad sa marami pang panganib, at tayo mismo ang mananagot. Iniaalok ng DIYOS ang Kanyang tulong pero hindi niya tayo pinipilit.