Ang eklesiyastikong samahan ng Opus Angelorum (OA) ay nagsimula sa Innsbruck (Tyrol, Austria) sa taong 1949 na may hangaring mapalalim ang kaalaman at debosyon sa mga banal na Anghel at sa pamamagitan ng mas malapit na pakikipag-isa sa kanila sa buhay at misyon ng Simbahan ay makatulong sa mas higit na karangalan ng DIYOS at sa mas mabisang pagtatalaga para sa pagpapabanal at kaligtasan ng mga tao.
Ang instrumento para sa pagsisimula ng samahang ito ay si Mrs. Gabriele Bitterlich, isang simpleng ina ng isang pamilya sa Innsbruck, na sa utos ng kaniyang kumpesor ay nagsimula sa taong 1949 upang isulat ang kaniyang mga karanasang espiritwal. Sa katotohanan, mula pa pagkabata, nabuhay na siya nang malapit sa kaniyang banal na Anghel na Tagatanod na ginabayan siya palagi upang mapalalim ang kaniyang buhay-espiritwal, dahil dito ay humantong siya sa malapit na pakikipag-isa kay KRISTONG Ipinako sa Krus, na may paglalayong makiisa nang lubos sa gawang mapanligtas.
Ang kaniyang espiritwal na direktor ay naintindihan na ito ay hindi lamang pansariling daan para sa kaniya, ngunit isang kaloob, isang grasya na ibinigay sa buong Simbahan. Isang grupo ng mga mananampalataya ang nabuo pati na grupo ng mga pari at mga seminaristang may debosyon sa mga Anghel.
Sa taong 1950, ang Obispo ng Innsbruck, Dr. Paulus Rusch, ay inaprubahan ang isang teksto ng pagtatalaga sa mga banal na Anghel at isa pang teksto ng pagtatalaga sa Anghel na Tagatanod. Mula noon, ang Obispo ay nanatiling malapit sa samahan. Siya noon ang nagbibigay ng pahintulot para sa pagpapalaganap ng mga liham-espiritwal na isinulat ni Ginang Bitterlich para sa mga kasapi ng samahan na lalo at lalo pang dumami.
Sa taong 1961, ang Obispo ay itinatag ng may bisang canonico ang Confraternity of the Guardian Angels bilang isang samahang publiko ng mga mananampalataya. Pagkatapos ay itinatag niya ang isa pang samahan, ang Confraternity of Priests. Sa mga taong 60 at 70, ang samahan ay kumalat sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang pinakapinagtutuunan ng pansin ng samahan ay ang masidhing pagsusumikap para sa kaganapang Kristiyano, na may tatak ng tunay na pakikipagkaibigan sa mga banal na Anghel. Itong pakikipagtulungan sa mga banal na Angel ay naglalayon para sa mas higit na pagdakila sa DIYOS, lalo na sa magalang na pagdiriwang ng banal na Liturhiya at Pagsambang Eukaristiko, at pagkatapos nito ay sa ating misyon, sa pagtatalaga sa pagpapabanal at kaligtasan ng mga kaluluwa. Ang debosyon sa Misteryong Paskal ni KRISTO ay ang pinakasentrong pagkakakilanlan ng Opus Angelorum, at ang Banal na Birheng MARIA palagi ang modelo ng buhay-espiritwal ng mga miyembro ng OA.
May ilang mga miyembro ng OA na nagnais na maging mga kongsagrado at konsagrada at sa ganitong estado ay isabuhay ang espiritwalidad ng OA. Ito ang simula ng pagpapanumbalik ng Order of Canons Regular of the Holy Cross sa taong 1979 na sinundan ng Sisters of the Holy Cross, na itinayo ayon sa batas canonico sa taong 2002 sa Innsbruck.
Mula sa taong 1977 hanggang 1992, ang Congregation for the Doctrine of the Faith ay mariing sinuri ang mga doktrina at kagawian ng Opus Angelorum at nagpalaganap ng dalawang pagpapasya, isa noong 1983 at ang pangalawa ay noong ika-6 ng Hunyo, 1992. Sa huli, ang Santa Sede (Holy See) ay nagbigay ng mga regulasyon tungkol sa dokrtrina, espiritwalidad at kagawian ng OA, upang ito ay lumago nang maayos sa Simbahan.
Ito ang mga mahahalagang petsa ukol sa pag-unlad ng OA:
Sa taong 2000, ang Congregation for the Doctrine of the Faith ay nagbigay ng pahintulot para sa teksto ng Pagtatalaga sa mga Banal na Anghel sang-ayon sa rekomendasyon ng Apostolic Delegate pagkatapos ng ilang mga paglilinaw ukol dito.
Sa taong 2003, ang Congregation for Institutes of Consecrated Life and Societies of Apostolic Life ay inaprubahan ang Konstitusyon ng Order of Canons Regular of the Holy Cross, at ibinigay dito ang mataas na pamumuno ng Opus Angelorum sang-ayon sa Derecho Canonico 303, CIC at noong ika-7 ng Nobyembre taong 2008, ay inaprubahan naman ang Opus Angelorum at mga tuntunin nito bilang isang “public association of the faithful in the Church”.
Ang Opus Angelorum ay nakabase sa Roma, Italya. Ang moderator nito ay ang Prior General ng Order of Canons Regular of the Holy Cross. Ang pinakatahanan ng Opus Angelorum ay nasa St. Petersberg, Silz, isang bayan sa diyosesis ng Innsbruck, Austria. Ito rin ang motherhouse ng Order of the Holy Cross.
Ang Opus Angelorum ay lumago at pinagtibay sa Simbahan. Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng debosyon sa mga banal na Anghel, nais nitong gabayan ang mga miyembro patungo sa kaganapan sa buhay Kristiyano, sa landas kasama ni KRISTO sa pakikipag-isa sa mga banal na Anghel, na kasama nila ay sinasamba ang Santatlong Banal na DIYOS, at itinatalaga ang sarili sa pagpapabanal ng mga tao, lalo na ang pagpapabanal ng mga pari.